Paggamit ng zipper lane sa EDSA, mungkahi
Para sa P2P kapalit ng MRT-3
MANILA, Philippines — Iminungkahi ni Quezon City Rep. Alfred Vargas sa Department of Transportation (DOTr) at Metro Manila Development Authority (MMDA) na buksan ang counter flow zipper lane sa kahabaan ng Edsa para magamit ng Point-to-Point bus system (P2P) kung sakaling matuloy ang pansamantalang tigil-operasyon ng MRT-3 dahil sa patuloy na palpak na serbisyo nito.
Sinabi ng kongresista na miyembro ng House Committee on Transportation, na ang P2P ay magandang alternatibo at epektibong mass transportation lalo na sa pagbibigay ng convenience sa mga mananakay.
Kaya naniniwala ang kongresista na ang P2P bus ay dapat mayroong ekslusibong single lane katulad ng ASEAN lane para mas maging epektibo at reliable ang serbisyo nito.
Dahil dito kaya maghahain si Vargas ng isang resolution na humihikayat sa mga concerned government agencies na maglagay ng counter flow zipper lane sa kahabaan ng EDSA pag rush hour sa halip na ang paglalagay ng escort sa P2P na una na niyang iminungkahi.
Giit ni Vargas dapat na isipin ang kapakanan ng 500,000 daily commuters ng MRT 3 na sumakay dito tuwing rush hour pag weekdays subalit dahil sa palpak na serbisyo ng tren ay lubhang naapektuhan.
Kaya dapat umanong payagan ang P2P buses na dumaan sa specially designated one lane route para mabawasan ang travel time ng mga motoristang patungo sa south bound–vice versa na halos 20 minuto na mas maaga.
- Latest