59-anyos na ginang nanganak, matapos ang 40 taong paghihintay magkaroon ng anak
SA kabila ng kanyang edad ay nagawa pa ring magbuntis at manganak ng isang 59 anyos na taga-Niskayuna, New York.
Nagsilang ng 7 pound at 4 ounce na sanggol na lalaki si Akosua Budu Amoako sa Bellevue Woman’s Center sa Albany, New York.
Sa pamamagitan ng fertility treatment, nagawa ni Budu at kanyang asawa na magkaanak matapos ang apat na dekada ng paghihintay.
Hindi na sana susubok ang dalawa ngunit nabalitaan nila ang kuwento ng isang 60 anyos na taga-Ghana na nagawang mabuntis sa tulong rin ng fertility treatment.
Noong una, nangangamba ang doktor ni Budu na si Khushru Irani na siya ay magbuntis dahil sa kanyang edad ngunit sumang-ayon na rin siya sa fertility treatment dahil sa pagpupursige ng mag-asawa na sumailalim sa proseso.
Inabot ng $20,000 (katumbas ng humigit-kumulang P1 milyon) ang isinagawang invitro fertilization na tumagal ng halos isang taon mula sa screening hanggang sa mismong panganganak ni Budu.
Matapos ang panganganak ay nasa mabuting kondisyon na ang sanggol at si Budu, na kinukulang na ngayon sa tulog dahil sa pag-aasikaso sa bata.
- Latest