Martial law video ng PCOO, inulan ng batikos
MANILA, Philippines - Umani ng kritisismo ang video na inilabas ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na naghihikayat na suportahan ang martial law na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.
Sa video na may habang 36 na segundo, makikita ang isang grupo ng “extremists” na tila pinalilibutan ang isang bata na may hawak na kalasag na may nakalagay na “martial law.”
Maririnig din sa voice over ng video ang paliwanag sa ipinapakitang cartoon clip:
“In the free society, there are groups who don’t want to give independence. They are adamant on detaining peaceful spirits. They are distressing feelings with fears. Let us not allow them to terrify us. We will all fight in unity. Martial law should be the rule of the land. Martial law now.”
Naging mainit sa mata ng netizens ang video at mabilis na inulan ito ng batikos na binansagang “propaganda video” ng martial law.
Pinuna ng ilan ang mababang kalidad ng video habang ang iba ay kinondena ang mensahe na pinahahatid nito na tila hinihikayat na suportahan ang batas militar.
Ngunit hindi pa man nagtatagal ang kontrobersyal na video ay binura na ito ng PCOO sa kanilang social media accounts Miyerkules ng gabi.
Wala pang pahayag ang naturang ahensya sa naturang video.
- Latest