James, Irving nangunguna sa NBA All-Star voting
NEW YORK – Sina LeBron James at Kyrie Irving ng defending NBA champion Cleveland Cavaliers ang top two vote-getters overall, habang sina Kevin Durant at Stephen Curry ng Golden State Warriors ang nangunguna sa Western Conference players sa unang bilangan ng boto sa NBA All-Star Voting 2017.
Sa unang linggo ng fan voting para sa 66th NBA All-Star Game na lalaruin sa Feb. 19 sa Smoothie King Center sa New Orleans, dikitan ang naging labanan at humakot ng 138% dagdag na boto (11,174,153) kumpara noong nakaraang taon (4,693,433).
Tumanggap si James, 12-time All-Star, ng 595,288 votes para manguna sa lahat ng players.
Kasama ni James sa top spot ng Eastern Conference frontcourt players sina Giannis Antetokounmpo ng Milwaukee Bucks (500,663) at Kevin Love ng Cleveland (250,347) kasama si rookie Joel Embiid ng Philadelphia 76ers (221,984). Nanguna sa East guards sina Irving (543,030) at 12-time All-Star Dwyane Wade ng Chicago Bulls (278,052) kasunod si DeMar DeRozan ng Toronto Raptors (253,340).
Pinangunahan naman ni Durant, may-ari ng highest scoring average sa All-Star Game history (25.6 ppg), ang mga West players sa kanyang 541,209 votes. Kasunod niya sa West frontcourt sina Zaza Pachulia ng Golden State (439,675) at Kawhi Leonard ng San Antonio Spurs (341,240) matapos ungusan si Anthony Davis ng New Orleans Pelicans (318,144).
Kaunti lang ang lamang ni Curry (523,597) sa mahigpit na labanan ng mga West guards, kung saan naungusan ni James Harden ng Houston Rockets (519,446) si two-time reigning All-Star Game MVP Russell Westbrook ng Oklahoma City Thunder (501,652) sa second place.
Sa unang pagkakataon, sasamahan ng NBA players at basketball media ang fans sa pagpili ng starters para sa NBA All-Star Game.
- Latest