Chavit, 3 pa interesado sa IBC 13
MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ni Presidential Communications Sec. Martin Andanar na interesado si former Ilocos Sur Gov. Luis ‘Chavit’ Singson na bilhin ang International Broadcasting Corporation (IBC) 13 mula sa gobyerno.
Ayon kay Sec. Andanar, lumiham si Gov. Singson, pangulo ng LCS group of companies, sa Presidential Communications Operations Office (PCOO) noong Disyembre 19 upang ipakita ang interes nitong bilhin ang IBC 13 na sequestered ng gobyerno.
Sinabi pa ni Andanar, bukod sa LCS ng grupo ni Singson ay interesado rin na bilhin ang IBC 13 ng Phoenix Oil ni Dennis Uy; William Lima na isang bilyonaryo mula sa Davao City at Eric Canoy ng RMN.
Layunin din ni Andanar na maisalba ang kinabukasan at staff ng IBC 13 sa pagbebenta ng sequestered tv station.
“With President Duterte’s order to sell the IBC 13 network ‘lockstock and barrel (as is where is),” wika pa ng PCO chief.
Idinagdag pa ni Andanar, sa kasalukuyan ay mayroong P1.5 bilyong utang ang IBC 13 kung saan ay P800 milyon dito ay utang sa empleyado.
Aniya, sa sandaling matuloy ang pagbebenta sa IBC 13, ang kalahati ng magiging kita nito ay papasok sa national treasury habang kalahati naman ang mapupunta sa PTV 4.
Idinagdag pa ni Andanar, nais din ng grupo ni Singson na payagan ang kanilang appointed-consultant na Millawave System na magsagawa ng due diligence procedure sa loob ng 45 araw bilang paghahanda sa kanilang magiging final offer sa gobyerno upang bilhin ang IBC 13.
Magugunita na inirekomenda ng Governance Commission for Government Owned and Controlled Corporations (GCG) ang privatization ng IBC-13 dahil sa duplication at overlapping ng functions nito sa government-owned PTV 4.
- Latest