MMDA walang nilabag na batas sa pagbili ng lumang motorbikes
MANILA, Philippines – Wala umanong nilabag na batas ang MMDA sa pagbili ng 18 second-hand motorcycle units na ginamit nang bumisita ang Santo Papa at idaos ang APEC meeting sa bansa dalawang taon na ang nakalilipas.
Ayon kay MMDA General Manager Thomas Orbos, ang pondo para sana sa pagbili ng mga bagong motorsiklo ay ipinalabas ng Department of Budget and Management noon lamang January 12, 2015 o tatlong araw bago dumating si Pope Francis na isang malaking kahihiyan sana ng bansa kung hindi ito nagawan ng paraan ni dating MMDA Chairman Francis Tolentino.
Tahasang sinabi ni Orbos na batay sa National Budget Circular 446-A at mga resolusyon ng Government Procurement Policy Board, pinapayagan ang pagbili ng mga segundamanong motorsiklo batay sa pangangailangan nito.
Sinabi naman ni dating MMDA Assistant Manager Edenison Fainsan na walang mabiling big bike na kailangan sa Papal Visit at APEC meeting at kung mayroon man, sa Japan pa ito bibilhin at matatagalan bago pa ito makarating sa bansa.
Nilinaw din ni Orbos na walang perang ginastos ang MMDA sa pagbili ng pre-owned motorcycles dahil ang iba pa nga sa mga ito ay donasyon ni Tolentino sa ahensiya na mahilig din gumamit ng big bike.
Binigyang-diin pa ni Fainsan ang mga big bike na binabanggit na 400cc pataas ay hindi karaniwang motor na araw-araw ay ipinapasada o ipinangpapasok sa trabaho dahil hobby o libangan lamang ng mga owners nito ang mga ganitong uri ng sasakyan at madalas ay weekend lang ginagamit.
Nanindigan si Orbos na malaking tulong ang pagkakaroon ng big bike ng MMDA dahil hanggang ngayon ay pinakikinabangan pa ng ahensiya para sa holiday season at sa nalalapit na pagdaraos ng Miss Universe pageant sa susunod na taon.
Pinasalamatan din ni Orbos si Tolentino sa naging kontribusyon nito sa ahensiya kasabay ng paninindigang walang anumang hibla ng katiwalian ang pagkakabili ng pre-owned motorcycle.
- Latest