Airline binira
MANILA, Philippines - Binatikos ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares sa kanyang privilege sa Kongreso kamakailan ang ilang mga kumpanya ng eroplano dahil sa sobrang singil at palpak na mga serbisyo.
Nanawagan siya sa imbestigasyon sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa naturang mga airline at sa kabiguan ng Civil Aeronautics Board (CAB) na pangalagaan ang mga pasahero ng mga eroplano.
“Hindi dapat palusutin ang CAB sa pananagutan nito dahil matagal nang nangyayari ang dispalinghadong mga serbisyo,” sabi ng kongresista.
Idinagdag ni Colmenares na sa pagbubukas ng Kongreso sa Enero 5 ay magsasampa siya ng isang resolusyon para sa kaukulang imbestigasyon.
“Bagaman nakakabuting sinisimulan na ng CAB ang sarili nitong pagsisiyasat sa perhuwisyong dinaranas ng mga pasahero ng eroplano, sa tingin ko dapat busisiin din ang CAB dahil sa hindi nito paggampan ng tungkulin sa pagpapataw ng regulasyon sa mga airline na ito at pangalagaan ang mga pasahero ng eroplano,” dagdag pa ng kongresista.
Bukod sa mahabang pila, naaantalang biyahe, at overbooking, iimbestigahan din sa resolusyon ang mga nakakanselang biyahe, napakamahal na rebooking fees at penalties pero hindi napaparusahan ang mga airline kapag ang mga ito ang nagkakansela o nagbabago ng iskedyul.
“Sa maraming pagkakataon,” puna pa ng kongresista, hindi ginagamit ng mga airline ang passenger tube kahit nagbayad na ang mga pasahero para sa paggamit nito kaya nahihirapan ang mga matatanda at may sakit kapag bumababa sa tarmac.
- Latest