Luntian ang Pasko sa Albay
LEGAZPI CITY, Philippines – Luntian ngayon ang pasko sa Albay, dahil sa Karangahan Green Christmas Festival nito, isang singkad na buwang pagdiriwang ng Pasko kung saan kalakip ang ligtas na pagsasaya at wastong pangangalaga sa kapaligiran.
Tampok ng Karangahan Festival ngayong pasko ang isang higanteng luntiang Christmas Tree na gawa sa buhay na halamang kamote. Pinailawan nitong nakaraang Disyembre 13, kauna-unahan ito sa bansa at simbolo rin ito ng “food security program” ng lalawigan.
Sa “soft opening” ng Karangahan, sinabi ni Albay Gov. Joey Salceda na ipinagdiriwang nila ang Luntiang Pasko ngayon batay sa totoong lagay ng mundo, dahil “Luntian ang kulay ng pagsulong at pag-asa, at nangangahulugan din ng kalinisan ang Luntian”.
Sa ipinalabas niyang memorandum para sa mga empleyado ng Albay at mga opisyal ng barangay nito, muling binigyang diin ni Salceda ang kahalagahan ng “zero casualty celebration,” ngayong pasko.
“Nakabihis luntian ang ating mga Santa Claus. Umiikot at namamahagi sila ng aginaldo, laruan at kasiyahan sa ating mga kabataan. Ang mga handicrafts natin ay gawa sa luntiang abaka na hinahabing mga tela. Ang mga pagkaing Culinaria Albay ay mula sa mga luntian nating mga halaman at gulay,” paglalalarawan niya sa Karangahan Festival.
Ayon kay Salceda, ipinahihiwatig din ng kanilang higanteng Christmas Tree na gawa sa kamote, “ang ating buhay na pangarap na mailigtas sa gutom ang mahihirap.” Pangalawa ang Albay na may pinakamalaking produksyon ng kamote sa bansa.
Sinabi rin niya na ang pagtatanghal ng Karangahan Albay Green Christmas Festival, kahit katatapos pa lamang ng pananalasa ni Bagyong Ruby, ay bilang pahayag na “may pag-asa ang bukas” at ang pagdiriwang ay pagyaman sa mga aral na nututunan at pagwalis din sa iniwang basura ng mga nakaraang kalamidad.
- Latest