BFP muling nagbabala sa publiko sa paggamit ng sky lantern
MANILA, Philippines - Muling nagpaalala ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa publiko sa panganib ng pagpapalipad ng sky lantern sa kanilang komunidad.
Ayon kay Engr. Àriel Miranda, hepe ng Fire Safety and Environment ng BFP, bagama’t magandang tignan ang pagpapalipad ng sky lantern hindi naman natin batid kung ano ang pinsalang gagawin nito sa sandaling lumapag ng may sindi sa mga kabahayan.
Sabi ng opisyal, kinokonsidera nilang apoy sa kalawakan ang sky lantern na kailangang bantayan sa sandaling paliparin dahil kapag nasa itaas na ito ay mahirap ng kontrolin kapag nilipad ng hangin.
Naging batayan ng kagawaran sa pagbabawal nito ang dalawang sunog na naganap noong taong 2012 sanhi ng naturang bagay na ginamit sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Bukod sa sky lantern, nagbabala rin ang BFP sa publiko na maging mapagmasid sa kanilang kapaligiran at tahanan, partikular sa mga bagay na nakasindi sa loob ng kanilang bahay na maaring pagsimulan ng sunog upang makaiwas dito.
Sinasabing base sa talaan ng BFP tumataas ang insidente ng sunog kapag sumasapit ang pagdiriwang ng Bagong Taon.
Gayunman, handa na umano ang mga firetrucks ng kagawaran lalo na sa mga lugar na delikado sa sunog. Umapela din sila sa publiko na agad na tumawag sa kanilang hotline 426-3812 sa sandaling may nangyayaring sunog sa kanilang lugar upang agad na maapula ito at hindi na maging kumplikado.
- Latest