Beermen bumawi
MANILA, Philippines - Mas matapang ang inilabas na laro ng nagdedepensang San Miguel Beer nang ikampay nito ang 99-88 panalo laban sa Barangay Ginebra upang makuha ang 2-1 bentahe sa Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup best-of-seven championship series kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Tumagay si Chris Ross ng 24 puntos at apat na rebounds habang halimaw din ang inilatag na laro ni reigning MVP June Mar Fajardo na bumanat ng double-double na 17 puntos, 18 boards at tatlong blocks.
“Importante itong game na ito dahil dalawang panalo na lang champion na. Pero hindi ganun kadali yun. Hirap na hirap kami maka-score. Credits sa teammates ko grabe yung ipinakita nilang laro,” wika ng 6-foot-10 na si Fajardo.
Nauna nang itinarak ng Beermen ang 109-82 demolisyon sa Game 1 bago naitabla ng Gin Kings ang serye matapos ilista ang 124-118 overtime win sa Game 2.
Nanguna para sa Gin Kings si LA Tenorio na gumawa ng 16 puntos habang may 15 naman si rookie Kevin Ferrer at tig-12 sina Chris Ellis at Japeth Aguilar.
Samantala, muling kinuha ng Gin Kings si Justin Brownlee bilang import sa Commissioner’s Cup at Governors’ Cup upang higit na palakasin ang crowd-favorite team.
Magbabalik-aksiyon na si 7-foot-1 center Greg Slaughter upang makatuwang ang 6-foot-5 na si Brownlee na siyang tumulong upang masungkit ng Ginebra ang titulo sa Governor’s Cup noong nakaraang taon.
Magsisilbing imports naman sa Commissioner’s Cup sina dating Detroit Piston Tony Mitchel para sa Star Hotshots, dating Best Import awardee Denzel Bowles para sa Talk ’N Text KaTropa, Alex Stepheson para sa Meralco Bolts, Wayne Chism para sa NLEX Road Warriors at Jarrid Famous para sa Phoenix Petroleum.
- Latest